NAGULAT si Sarah Lahbati sa biglang pagsulpot ni Richard Gutierrez sa advance screening ng Ang Pagsanib Kay Leah De La Cruz na ginanap sa Robinson’s Galleria noong Lunes.
Ang alam kasi ni Sarah, nasa bahay lang ang aktor kasama ang pamilya Gutierrez para sabay-sabay nilang panoorin ang pilot episode ng La Luna Sangre na unang serye ni Richard sa ABS-CBN.
Bumati at bumeso si Richard sa ina ng anak niya at nagbigay pugay din sa mga taga-Viva at saka umalis dahil kailangan na niyang umuwi kaagad para sa La Luna Sangre.
Dahil sa takot kami sa suspense horror movies ay hindi namin mapanood ng dire-diretso Ang Pagsanib Kay Leah dela Cruz dahil sa tunog palang ay nakatatakot na.
Wala kaming ginawa kundi magtakip ng mukha o kaya pumikit kapag may nararamdaman na ang bidang si Sarah.
Babaeng pulis ang karakter ni Sarah sa pelikula na bagong salta sa lugar nina Leah (Shy Carlos) at Gabriel (Julian Trono).
Nakabakasyon si Ruth (Sarah) dahil nagluluksa siya sa pagkamatay ng kapatid nitong si Erik na hindi pa sinabi kung bakit namatay.
Balisa at nakakikita ng kung ano-ano si Ruth (Sarah) sa bahay na tinutuluyan niya kaya kinaumagahan ay dumaan siya ng simbahan na pinangangasiwaan ni Jim Paredes (Father Lucas) bilang Parish Priest at at dito niya nakilala ang makulit na si Julian bilang si Gabriel na childhood friend at may gusto kay Leah (Shy).
Maraming kuwento si Gabriel (Julian) kay Ruth (Sarah) hanggang sa napunta sila sa bahay nina Leah (Shy) at inabutan nilang nasa balkonahe ang dalaga at may hawak na basag na salamin at biglang tumalon sa balkonahe.
Nagulat sina Ruth (Sarah) at Gabriel (Julian) sa ginawa ng dalaga at may nakita siyang anino sa likod ni Leah (Shy) na kumawala sa katawan niya bago ito tumalon at dito nagsimula amg imbestigasyon.
Iba-ibang kuwento na ang kumalat kung bakit nagawa ni Leah (Shy) ang pagpapakamatay at dalawang tao ang pinagbubuntunan, si yaya Rosario ang nagtulak at si Sister Eloiza na guidance counselor sa simbahan na rating miyembro ng kulto na malapit sa dalaga.
Makatutulong sana sa imbestigasyon ang parish priest na si Father Lucas (Jim) dahil sa lihim na hawak nito, ngunit mas pinipili nitong manahimik. Nang matiyak na ang pagsanib ng masamang espiritu kay Leah, lalong naging mapanganib ang imbestigasyon at lumalawak na rin ang sakop ng kadiliman.
Ito man ang unang pelikulang pagsasamahan nina Sarah at Shy, hindi naman sila baguhan sa horror movie. Si Shy ay bumida rin sa Chain Mail noong 2015 at si Sarah ay lumabas din sa isang supernatural film noong 2010.
Malalaman sa ending ng pelikula kung sino ang pumapatay na ikagugulat ng lahat.
Ang Pagsanib Kay Leah Dela Cruz ay mapapanood na sa mga sinehan sa June 28, handog ng Kamikaze Pictures, Viva Films, at Reality Entertainment.
FACT SHEET – Reggee Bonoan