KABILANG ang isang Filipino-American sa namatay na pitong sailors makaraan ang banggaan ng isang US Navy destroyer at Philippine-flagged vessel sa karagatan ng Yokosuka, Japan, nitong Sabado.
Ang biktimang si Fire Controlman 2nd Class Carlos Victor Ganzon Sibayan at anim iba pa ay binawian ng buhay nang ang sinasakyan nilang barkong USS Fitzgerald, ay bumangga sa Philippine-flagged ACX Crystal nitong Sabado ng hapon, ayon sa ulat ng US Navy.
Ang 23-anyos na si Sibayan ay residente sa Chula Vista sa California, ngunit sa kanyang Facebook account, sinabi niyang siya ay mula sa Pasay City.
Bukod kay Sibayan, ang iba pang namatay na sailors ay sina Gunner’s Mate Seaman Dakota Kyle Rigsby, 19, ng Palmyra, Va.; Yeoman 3rd Class Shingo Alexander Douglass, 25, ng San Diego, Calif.; Sonar Technician 3rd Class Ngoc T Truong Huynh, 25, ng Oakville, Conn.; Gunner’s Mate 2nd Class Noe Hernandez, 26, ng Weslaco, Texas; Personnel Specialist 1st Class Xavier Alec Martin, 24, ng Halethorpe, Md.; at Fire Controlman 1st Class Gary Leo Rehm Jr., 37, ng Elyria, Ohio.
Ang lahat ng mga biktima ay crew ng USS Fitzgerald, ayon sa ulat.
Samantala, sinabi ng Philippine Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, walang nasaktan sa 20 Filipino crew ng ACX Crystal, sa nasabing insidente.
“They are safe. The ship itself was slightly damaged from the incident,” ayon sa DFA.