NASAGIP ng mga tropa ng gobyerno nitong Martes ang limang pulis at limang sibilyang na-trap nang lusubin ng Maute terrorist group ang Marawi City, tatlong linggo na ang nakalilipas.
Ang mga pulis ay nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad mula nitong 23 Mayo, ngunit hindi agad nakatakas mula sa battle zone bunsod nang matinding palitan ng putok at presensiya ng mga terorista, pahayag ni Senior Supt. Marlon Tayaba, commander ng ARMM police’s Public Safety Battalion.
Sinabi ni Tayaba, nagkaroon ng pagkaka-taon na makatakas ang mga pulis mula sa battle zone sa Brgy. Moncado Kadingilan nitong Lunes ng gabi.
Isinama ng mga pulis sa pagtakas ang limang sibilyan na kasama nila sa pagtatago sa isang bahay.
Ayon kay PO1 Lumna Lidasan, isa sa mga nasagip, hindi nila maatim na iwanan ang mga sibilyan.
“Pwede naman ka-ming lumabas, magkunwari kasi mga Muslim kami. Pero naisip ko, ‘pag iniwanan, kawawa sila, hindi marunong magsalita ng Maranao iyan. Alam ko papatayin sila,” pahayag ni Lidasan.
“Sabi ko, huwag ka-yong mag-alala, sama-sama tayo. ‘Pag na-rescue tayo, ako ang huling sasakay, maligtas lang kayo,” aniya.
Ayon kay Lidasan, nakipagpalitan sila ng putok sa Maute fighters habang tumatakbo ng dalawang kilometro mula sa Moncado Kadingilan patungo sa kalapit na Brgy. Banggolo, at doon sila nasagip.
Bukod kay Lidasan, kabilang sa nasagip na mga pulis sina PO3 Ricky Alawi at PO1s Esmael Adam, Ibrahim Wahab at Bernard Vilariz.
Kasama nila ang mga sibilyan na sina Analices Mari, Jerald Alico, Rodel Alico, Meteo Velasquez Jr. at Jeniver Velasquez.