NANINIWALA ang Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS), mayroong sabwatan sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa habang nakapiit sa Leyte Sub-Provincial Jail noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Sinabi ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, kabilang sa “findings” ng kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ni Espinosa sa kamay ng mga pulis na nagsilbi ng search warrant sa detention cell.
“Katulad ng aming findings, may conspiracy doon sa loob ng mga pumasok [sa cell],” aniya. “Kung may conspiracy, that is considered treachery kasi pinagpaplanohan. Qualifying circumstance kaya murder.”
Iginiit ni Triambulo ang anggulong murder, kahit makaraang ibaba ng Department of Justice (DoJ), sa resolusyon na may petsang 29 Mayo, ang kasong murder sa homicide, na inihain laban kay dating Criminal Investigation and Detection Group Region 8 chief, Supt. Marvin Marcos, at 18 iba pa kaugnay sa pagkamatay ni Espinosa.
Si Espinosa, hinihinalang drug lord, at isa pang preso ay napatay nang isilbi ni Marcos at iba pang akusadong mga pulis, ang search warrant sa hinalang may itina-tagong illegal drugs at mga armas sa loob ng selda.
Pinagbabaril si Espinosa makaraan umanong paputukan niya ang mga pulis.
Nauna rito, naglabas ng resolusyon ang IAS kaugnay sa kaso ni Marcos, ngunit tumangging isapubliko ito.
Ayon kay Triambulo, isang abogado, nagtaka siya kung bakit ang DoJ pa ang nag-downgrade sa mga kaso.
“Ang alam ko, ang aking assumption bilang isang lawyer, hindi sila (DoJ) ang nag-downgrade niyan kasi ipaglalaban nila ang original na asunto kasi sila ang abogado ng Filipinas so hindi nila gagawin ‘yun. Ang nagpapa-downgrade no’n ‘yung abogado ng akusado para makapagpiyansa, ‘yun ang procedure,” aniya.