PINAKILOS ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang mga ahente ng gobyerno na imbestigahan ang opposition politicians na maaaring planong ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-isyu si Aguirre ng Department Order No. 385 noong 7 Hunyo, nag-aatas sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up “against some senators and other opposition leaders” na isinasangkot sa destablization plot.
Hindi nagbigay ang justice chief ng mga pangalan ng opposition personalities na nakatakdang imbestigahan.
Inatasan din niya si NBI Director Dante Gierran na magbigay ng updates kaugnay sa “current activities” hinggil sa imbestigasyon.
Ang department order ay inilabas kasunod nang pagbubunyag ng kalihim sa mga mamamahayag na sina Senators Antonio Trillanes IV at Bam Aquino, Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, at Ronald Llamas, political adviser ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ay nakipagpulong sa pamilya Alonto at pamilya Lucman bago ang pag-atake ng Maute group sa Marawi City noong 23 Mayo.
Ayon kay Aguirre, ang pulong noong 23 Mayo ay maaaring bahagi ng hakbang na idestablisa ang administrasyong Duterte, at nagpasiklab ng terroristic attack sa lungsod.
Ngunit inilinaw ni Aguirre na siya ay “misquoted” ng press at sinabing hindi kasama ang pamilya Lucman at pamilya Alonto, at si Aquino sa nasabing pulong.
Agad itinanggi ng mga nabanggit ang nasabing akusasyon ni Aguirre.