PUMUROL ang pangil at naglaho ang bangis ng Philippine Azkals nang paamohin ng China sa kanilang friendly match, 8-1 sa Tianhe Stadium, Guangzhou kamakalawa ng gabi.
Binulaga ng mga Tsino ang Pinoy sa mabilis na 2-0 goals sa unang mga minuto at ba-gamat nakabalik ng isang goal si Misagh Bahadoran sa ika-34 minuto ay nagbigay ng isa pang puntos sa China papasok ng halftime para sa 3-1 pagkaka-iwan.
Diretsong birada na ng 81st-ranked China ang sumalubong sa ika-127 ranggo sa mundo Azkals.
Sumakay ang China sa 5-0 ratsada mula sa goals nina Wang Yongpo, Chen Zhizhao, Zang Xizhe at dalawang pam-baon mula kay Dang Hawen sa mga huling minuto tungo sa madaling 8-1 panalo na ikinatuwa ng 21,000 manonood sa kanilang hometown na Guangzhou.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagtagpong muli ang dalawang bansa mula noong 2000 para sa AFC Asian Qualifiers sa Vietnam na ibinaon ng China ang Filipinas, 8-0.
Ang friendly match ay tune-up para sa Filipinas na sumasalang sa Qualifiers ng 2019 Asian Cup sa United Arab Emirates, na naunang nakapasok ang China.
Nasa Group F ang Filipinas na bibisita sa Pamir Stadium sa Dushanbe, Tajikistan sa 13 Hunyo para patatagin pa ang hawak sa liderato.
Tinalo ng Filipinas ang Nepal, 4-1 sa unang laban nila sa qualifiers noong 28 Marso sa Rizal Memorial Stadium, Malate, Maynila. (JBU)