SINUONG ng abogado at triathlete na si Ingemar Macarine ang malawak na karagatan, malamig na tubig at malakas na hangin upang manawagan para sa kapayaan sa Mindanao, partikular sa Marawi na kasalukuyang may nagaganap na digmaan sa pagitan ng Militar at ng Maute Group.
Binansagang ‘Pinoy Aquaman’ sa mga paglangoy niya upang ikalat ang adhikain na protektahan ang kalikasan lalo ang karagatan, lumihis sa parehong makabuluhang adhikain si Macarine at ito nga ang panawagan sa kapayapaan.
Bumyahe si Macarine mula sa Guinsilban, Camiguin Island noong linggo ng umaga hanggang sa Calamcam, Talisayan, Misamis Oriental. Tumagal ang kanyang paglangoy sa 23 kilometro ng 7 oras at 47 minuto.
Asinta ng 41-anyos na si Macarine ang 12 kilometrong langoy mula sa Camiguin hanggang sa Balingoan Port sa Misamis ngunit tinangay siya ng malakas na alon kaya’t halos nadoble ang haba at oras ng kanyang paglalakabay hanggang sa kalapit na bayan na Talisayan.
Sinamahan si Macarine ng kaibigang triathlete na si Gilbert Grado nang malapit na sila sa Misamis. Si Grado ay municipal accountant sa Mambajao, Camiguin, sa tulong ni Pinoy Aquaman ay nakatakdang maglunsad ng water sports events sa Camiguin sa mga susunod na buwan.
Kasalukuyang election officer ng Tubigon sa Bohol ang tubong Placer, Surigao Del Norte na si Macarine.
Si Pinoy Aquaman ang kauna-unahang Pinoy na nakatawid sa Surigao Strait noong 2013 na kilalang mapanganib dahil sa mga pating at malalakas na agos.
Nasuong na rin niya ang malalamig na dagat mula sa Alcatraz Island Penitentiary hanggang San Francisco gayondin sa Chesapeake Bay mula sa Bay Bridge sa Marina hanggang Sandy Point Park Beach sa Maryland noong 2015.
ni John Bryan Ulanday