SALUDO kami sa ginawang tiyaga at sinop ng mga operatiba ng Anti-Crime Unit ng MPD PS3 sa pagkakadakip nila sa dalawang hoodlum na may kasong robbery hold-up at rape sa kaawa-awa nilang biktimang mga babae na karamiha’y mga wala pang muwang na mga estudyante.
Series at ilang beses nang nakalusot sa batas ang mga sadista ngunit dito na natapos ang kanilang career sa sipag at pagpupursige ng mga operatiba sa utos ng kanilang station commander na si Supt. Tom Ibay na nag-utos na: “Get the suspect at all cost!”
Bukod sa dalawang suspek na kinilalang sina alyas Toti at Toto Robles, dinagit rin ang asawa ng huli na kinilalang si Carol na lumalabas na bakero o accessory to the crime.
Sa imbestigasyon ng pulisya napag-alaman na dalawang suspek ay galing na sa New Bilibid Prison sa Munti at lumalabas na ang lakad nila ay kanilang trabaho at pinagkakakitaan.
Ilang complainant ang lumutang sa himpilan ng MPD PS3 at positibo silang kinilala na humoldap at walang-awang gumahasa sa kanila.
Saludo kami sa mga operatiba ng Anti-Crime na pinamumunuan ni Tata Dennis Ramos at ang masisigasig niyang mga tauhan na sina Tata Billy, Tata Marlin, Tata Rival, Tata Songco alyas boy Bakal.
Sa kabilang dako, humanga at bumulib rin tayo sa isang respetadong pulis, antigo at organic sa MPD na walang iba kundi si Tata Rowell Robles na kumpare ng ating katoto na si Direk Brian ng MPDPC. Si Tata Roel na ginagawa pang padrino ng mga suspek ay tinabla at hindi kinonsinti ang dalawang kamote.
Kung sa bagay, totoo anilang pinsang buo ng mga suspek si Tata Roel na tubong-Perla at Pavia St., sa Tondo, Maynila.
Bagamat kadugo, hindi kinonsinti ni Tata Roel ang kanyang mga kaanak bagkus ay iniutos na ituluyan ang mga suspek.
Ganyan sana lahat ang ating mga pulis, no strings attached. Mali kung mali. Hindi lumulutang at tablado ang padrino. Laging nasa tama at katuwiran para sa lahat. Sabi nga ng dating alkalde Fred Lim, “The law applies to all otherwise non at all.”
Kung tutuusin si Tata Roel ay isa sa mga pinakikinggan at inirerespeto sa hanay ng pulisya sa MPD.
Napag-alaman rin sa mga operatiba na tinawagan nila si Tata Roel upang alamin kung talagang kaanak nga niya ang mga suspek at hindi itinanggi o ipinagkaila man lang ng antigong pulis-Maynila. ‘Yan ang may B!
Sa halip na salohin umano ay inutusan pa sila ni Tata Roel na ituluyan ang mga kamoteng pinsan na prehuwisyo sa lipunan.
Saludo, bilib at hanga kami sa dalawang mukha ng pulisya, sa mga operatiba gayondin sa isang pulis na hindi konsintidor at pinahahalagahan ang kanyang prinsipyo at patakaran sa buhay bilang alagad ng batas!
Kudos at mabuhay kayo mga sir!!
HAPPIEST BIRTHDAY
SUPERBOSS JSY!
Binabati natin ang pinakarespetado, tinitingala at iniidolo ng mga katoto nating mamamahayag na si former NPC president Jerry Yap, ang aming publisher!
Isang tao na tunay na may puso sa kawang-gawa, sa pag-alalay sa mga nangangailangang media man o ordinaryong tao na lumalapit sa kanya ay inaayudahan.
Tunay ngang masuwerte ang mga tao na nakakikilala kay Boss JSY dahil anomang oras ay handang umalalay. sabi nga ni Direk Brian Bilasano na inaanak ni Sir Jerry, isang tao na may tenga na handang makinig, kamay na handang mag-ahon at umalalay sa mga nasasadlak sa problema. Si Boss Jerry aniya ang tao na taos puso kung tumulong. Tulong na hindi ipinagmamalaki o ikinukuwento sa ibang tao.
Kaya’t masuwerte kaming malalapit kay Boss Jerry!
A man with unconditional support, the best Boss and a very true friend, happiest birthday Boss Jerry, more to come and God bless your family!
YANIG – Bong Ramos