PINAYAGAN ng mga Maranao ang “corrupt ideology” na pumasok sa Marawi City kaya kinubkob ng mga teroristang grupong Maute/ISIS ang kanilang siyudad.
“Maranaos allowed corrupt ideology to enter Marawi,” sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa kampo militar sa Sultan Kudarat kahapon.
Binigyan-diin ng Pangulo, drug money ang nagpondo sa mga teroristang grupo sa Mindanao at ang kalakarang ito ay hinayaan lang ng mga Maranao kaya nakapamayagpag ang Maute/ISIS sa kanilang pamayanan.
Kaya bukod sa rebellion at invasion ay inilagay ng Pangulo ang illegal drugs bilang dahilan sa pagdedeklara niya ng martial law sa Mindanao.
Ang pondong mula sa ISIS na ipinadala kay police Supt. Cristina Nobleza ay hindi aniya sapat sa paglulunsad ng pag-atake at mas malaki ang kuwartang nanggaling sa illegal drugs na ginamit para bigyan proteksiyon si Isnilon Hapilon sa Marawi City.
Kaugnay nito, ipinagpaliban ni Pangulong Duterte ang pagtanggap sa alok ni Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari, na integrasyon sa AFP ng 2,000 miyembro ng dating rebeldeng grupo.
Kailangan aniyang maging maingat at ipa-unawa sa kanila ang posisyon ng pamahalaan lalo na’t kapwa nila Moro ang kalaban.
(ROSE NOVENARIO)