NAPATALSIK at binawian ng tournament credentials ang French Open qualifier na si Maxime Hamou makaraang halika nang puwersahan ang isang television reporter habang nasa live interview.
Ayon sa mga ulat, habang kinakapanayam si Hamou ni Maly Thomas ng Eurosport kasunod ng kanyang opening-round loss kay Pablo Cuevas ng Uruguay, tinangkang halikan ng 21-anyos na World’s No. 287 ang reporter sa harap ng mga camera.
Naalanganin si Thomas dahil sa situwasyon na nagresulta sa pangyayari, kaya agad umilag ang reporter at umiwas ngunit hinawakan siya sa leeg ni Hamou sa isang punto ng video na kuha sa insidente.
Habang nagaganap ito, narinig din sa background ang tawanan at hagikgikan ng mga kasamahang mamamahayg ni Thomas.
Dangan nga lang ay hindi itinuring ng biktima na isang biro o nakatatawang kaganapan.
“If I hadn’t been live on air, I would have punched him,” pahayag nito sa panayam ng Huffington Post France makaraan ang insidente.
Tumugon dito ang French Tennis Federation sa pagbawi ng tournament credentials ni Hamou sa pagbansag sa pangyayari bilang ‘reprehensible’ batay sa pahayag na ipinalabas ng pederasyon at pangakong magsasagawa ng imbestigasyon sa nasa-bing kaso “for improper conduct.”
Isinilang noong Hunyo 8, 1995, ang French tennis player na si Hamou ay may career high sa ATP singles na naglagay sa kanya sa rank 211 sa buong mundo.
Nakamit niya ito noong Hulyo 2015 habang ang career high naman niya sa ATP doubles ay umabot sa 744, na kanyang nakamit noong Hulyo 18, 2016. Sa kabilang dako, ang career high junior ranking ni Hamou ay nasa 8 noong 2013.
Nag-main draw ATP debut si Hamou sa 2015 Open de Nice Côte d’Azur at sinundan niya ito ng grand slam main draw debut sa 2015 French Open na tumanggap siya ng wildcard sa singles event.
ni Tracy Cabrera