SISIKAPIN ng defending champion Cleveland Cavaliers na makabawi sa Game 2 sa finals ng 2016-17 National Basketball Association, (NBA) ngayong araw upang hindi mabaon sa serye.
Pero pihadong mahihirapan ang Cavaliers dahil sa lugar pa rin ng Golden State Warriors ang labanan.
Hawak ng Warriors ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-seven series, puntirya nila na ikasa ang 2-0 para lumapit sa asam nilang titulo.
Silang dalawa rin ang naglaban sa NBA finals nung nakaraang taon at masaklap ang pagkatalo ng GSW dahil nalusaw ang 3-1 bentahe nila matapos silang ratratin ni basketball superstar LeBron James at Cavaliers ng tatlong beses.
Ayon sa mga NBA analysts mas magiging mainit ang bakbakan sa Game 2 dahil inaasahan nilang magiging pisikal ang labanan.
“I think Tristan (Thompson) will come out in Game 2 and be a lot more assertive and just use his will to get rebounds on both sides of the ball,” saad ni Cavaliers star Kevin Love. “He’s so capable and so good at doing that, no matter who we’re playing, against any team in the league.”
Liyamado ang Warriors pero nasa Cleveland ang pinakamagaling na player ngayon sa buong mundo sa katauhan ni four-time MVP James kaya paniguradong kapana-panabik ang banatan a Game 2.
(ARABELA PRINCESS DAWA)