MAS pinahigpit pa ang seguridad sa buong compound ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod nang pag-atake sa kalapit na Resorts World Manila at dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi.
Bago magtanghali kahapon, ipinatupad ang security level 3 sa buong paliparan. Ibig sabihin, lalo pang hinigpitan ang pagpasok sa NAIA.
Pinaigting ang inspeksiyon sa mga pumapasok na sasakyan. Masinsin din ang screening sa mga pasaherong may flights.
Kailangang tanggalin maging ang sinturon at sapatos kapag dumaraan sa metal detector, bagama’t dati’y puwedeng nang hindi alisin sa katawan.