BINIGYANG-DIIN ni NCRPO director, Oscar Albayalde, walang banta ng terorismo sa Metro Manila, at tiniyak na mahigpit ang pagmamatiyag ng mga awtoridad.
Nauna rito, inilinaw ng Malacañang, ang insidente sa Resorts World Manila ay hindi terorismo at walang kaugnayan sa krisis sa Marawi.
“Maganda ang prevailing peace and order dito sa Metro Manila. We have not monitored any threat [of] terrorism dito sa Metro Manila and while wala naman tayong namo-monitor na threat, hindi tayo puwedeng mag-relax,” ayon kay Albayalde.
“Our intelligence community is on constant monitoring of the possible na mga threat groups who could be possibly here in Metro Manila although wala tayong namo-monitor na ganoon,” pagtitiyak ng opisyal.
Aniya, ang pahayag ng mga survivor na ISIS ang may pakana sa insidente ay lalong nagdulot ng pangamba sa publiko na ang Metro Manila ay inaatake na ng mga terorista.
“Noong nag-panic sila, they were somewhat shouting, ‘ISIS! ISIS! ISIS!’. They always assume na it’s ISIS. Pinapakiusapan natin ang mga kababayan na huwag silang maalarma, at huwag i-relate ito to terror groups,” aniya.
Dagdag ni Albayalde, wala pang rekomendasyon ang pulisya para isailalim sa martial law ang iba pang bahagi ng bansa bunsod ng nasabing pag-atake.
Ito ay sa gitna ng pangambang posibleng magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na palawakin ang sakop ng idineklara niyang martial law sa Mindanao.
“We did not recommend anything on that issue especially to the president. It’s only the president who can decide on that,” aniya.