SUMIKLAB ang malaking sunog na pinaniniwalaang nagmula sa faulty electrical wiring sa isang bodega ng Bureau of Customs (BoC) sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), walang naitalang nasugatan sa pagsiklab ng sunog dakong 9:06 pm sa Warehouse 159, na imbakan ng ilang mga lumang papeles at kagamitan.
Napag-alaman mula sa BFP, dahil sa kakulangan sa fire hydrants ng nasabing bodega, nahirapan ang mga bombero na apulain ang apoy na umabot sa Task Force level 5 ang alarma dakong 9:45 pm.
Ayon kay BoC ESS Acting Director Isabelo Tibayan III, “Unfortunately, inabot tayo ng fifth alarm dahil sa kawalan ng fire hydrant na malapit sa area, kinailangan pa nila pumunta sa loob ng BoC para makakuha ng access sa tubig,”
Nabatid, ang mga natupok ng apoy ay mga sirang sasakyan, spare parts, mga kompiskadong pekeng tsinelas, bags, at ukay-ukay na mga damit at iba pang pawang hindi na magagamit dahil sa kalumaan, base sa imbentaryo ni Auction and Cargo Disposal Division Chief Oscar Villalba.
Sa imbestigasyon, mabilis na kumalat ang apoy bunsod ng chemicals at ilang combustible materials na nasa loob ng naturang bodega.
Idineklarang fire under control ang sunog dakong 11:45 pm.
Wala pang inilalabas na ulat ang BoC kaugnay sa halaga ng pinsala sa naganap na sunog. (BRIAN GEM BILASANO)