KUNG inaakala ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tutulungan siya ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pakikipaglaban sa teroristang Maute group at Abu Sayyaf para tuluyang magapi ito, nagkakamali siya.
Ang panawagan ni Digong sa MNLF at MILF na sumanib sa AFP para pulbusin ang Maute group ay maituturing na ‘suntok sa buwan.’ Hindi ito seseryosohin ng dalawang malalaking grupong Moro para labanan ang kanilang mga kapatid na Muslim.
Bagamat sinasabing terorista ang Maute at Abu Sayyaf at may kaugnayan na sa ISIS, dapat malaman ni Digong na ang ugat ng pagrerebelde nila ay dahil na rin sa mahabang panahong pagmamalabis at pagsasamantala ng mga Kristiyano at mayayamang indibidwal na iniluwal ng kolonyalismo.
Kung tutuusin, maituturing ding mga makabayan ang Maute group, lamang ang pamamaraan o taktika sa pakikipagdigma ay malaking prehuwisyo o mapaminsala sa mga kapataid din nilang Muslim.
At kung “terrorist act” man ang ginagawang pamamaraan ng pakikipagdigma ng Maute at Abu Sayyaf, hindi maiaalis na ang ultimate objective ng grupong ito ay mapalayas ang mga Kristiyano sa kanilang bayan.
Ang ibig sabihin, pabor sa mga sibilyang Muslim kung magtatagumpay ang pakikipagdigma ng mga nasabing grupo na tinaguriang mga terorista laban sa tropa ng pamahalaan.
Kaya nga, kailangang maghinay-hinay si Digong sa panawagang makiisa ang MILF at MNLF sa mga sundalo ng AFP para tuluyang sugpuin ang Maute at Abu Sayyaf. Hindi nakasisiguro si Digong kung lalahok man ang MILF at MNLF, ay tunay at seryoso ang kanilang gaga-wing pakikiisa sa gobyerno.
Maaaring tactical move lamang ang gagawin ng MILF at MNLF kung tutulungan nila si Digong. Kailangan lamang na makakuha ng magandang konsesyon ang dalawang Moro group para higit na maisulong ang interes na kanilang ipinaglalaban.
Naniniwala tayong hindi seryosong tutulong ang MILF at MNLF sa administrasyon ni Digong para tuluyang maubos ang Maute group at Abu Sayyaf. Kapwa kapatid na Muslim nila ang mga grupong ‘yan at may pinaniniwalaang prinsipyo kaya nakikipaglaban sa pamahalaan.
Pero lalong mag-ingat si Digong sa mga Komunistang NPA. Ito ang grupong hindi dapat pinagkakatiwalaan. Walang Diyos ang mga taong ‘yan, at tanging ang kanilang isinusulong ay interes ng kanilang samahan.
Traydor ang grupong komunistang NPA, at tiyak na magtatraydor lamang sila sa anumang mapagkakasunduang laban sa Maute group. Hindi dapat nakikipagmabutihan sa komunistang NPA, at mabuting pulbusin na lamang ni Digong.
SIPAT – Mat Vicencio