MAHIGPIT ang seguridad na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Pasay City, kaugnay sa nalalapit na concert ni Britney Spears sa Mall of Asia Arena (MOA), sa nabanggit na lungsod.
Kaugnay nito, pinulong ni Pasay City Mayor Antonino Calixto sina Southern Police District (SPD) Director General Tomas Apolinario, Parañaque City Police chief, S/Supt. Jemar Modequillo, at Pasay City Police chief, S/Supt. Dionisio Bartolome at ang organizer ng naturang concert.
Binigyan ng mga awtoridad ng tatlong linggo ang organizers na magsumite ng mga pangalan ng kanilang team marshal at medical team na itatalaga sa area sakaling may mangyaring untoward incident sa paligid ng pagdarausan ng concert.
Ang pagpapatawag ng alkalde sa mga opisyal ng pulisya at organizers ng naturang event ay upang maiwasan ang karahasan o katulad ng nangyaring trahedya sa concert ni Ariana Grande kamakakailan sa Manchester, United Kingdom, na ikinamatay ng 22 katao at marami ang nasugatan.
Samantala, inatasan ni SPD Director Apolinario ang organizers ng naturang event na maglagay ng CCTV camera sa pagdarausan at magbigay ng kopya ng footage sa PNP upang madaling matukoy ang pagkakakilanlan ng mga gagawa ng kaguluhan sa gaganaping konsiyerto.
Sa 15 Hunyo gaganapin ang concert ni Spears sa MOA, habang sa 21 Agosto gaganapin ang konsiyerto ni Grande.
(JAJA GARCIA)