NANGHIHINAYANG si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagsusumikap ng pamahalaan at liderato ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP- NDFP) sa pagdaraos ng peace talks, gayong tuloy ang bakbakan sa tinaguriang larangang gerilya ng New People’s Army.
Sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony sa Biyaya ng Pagbabago Housing Project sa Brgy. Los Amigos, Tugbok District, Davao City kahapon, sinabi ng Pangulo, walang saysay ang pakikipag-usap ng kanyang administrasyon sa mga pinuno ng kilu-sang komunista kung hindi nila kayang kontrolin ang mga lokal na NPA unit na patuloy na naglulunsad ng opensibang militar sa tropa ng pa-mahalaan.
Anang Pangulo, mismong CPP-NPA leaders na mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon, ang umamin sa kanya makaraan ang kanilang hapunan sa Palasyo kamakailan, na hindi nila kayang kontrolin ang iba’t ibang NPA commands.
Giit niya, magkaka-kilala ang mga tao, opis-yal ng pamahalaan at rebelde sa mga lokalidad, posibleng mas mainam na sila na lang ang magkasundo na itigil ang bakbakan upang tuluyan nang maghari ang kapayapaan.
Hangga’t hindi aniya pumipirma sa isang bilateral ceasefire o ano mang peace agreement, si CPP founding chairman Jose Ma. Sison, patuloy ang magiging opensiba ng militar sa rebeldeng grupo.
Apela ni Duterte sa rebeldeng grupo, ilibing na ang kanilang mga armas para tuluyang ma-selyohan ang peace talks dahil walang kahihinatnan ang 50 taon pakikibaka ng mga rebelde.
(ROSE NOVENARIO)