KINILALA na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilan sa mga nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila, kamakalawa.
Sa unang pagsabog, kabilang sa mga nasugatan sina Jaber Gulam, tubong Lanao Del Sur; Datu Sohair Adapun, tubong Marawi City; at Hajhi Ali, ng Gunao, Quiapo.
Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang sugatan.
Sa ikalawang pagsa-bog na naganap habang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad, kinilala ang mga nasugatan na sina Chief Inspector Elisa Arturo, chief chemist ng Manila Police District (MPD) Crime Lab, at si PO2 Aldrin Resos, ng EOD unit ng MPD.
Ang isa sa mga namatay ay kinilalang si Mohamad Bainga.
Samantala, isang kahina-hinalang bag na naka-kabit sa upuan ng isang motorsiklo ang natagpuan sa kalapit na Globo de Oro street.
Ginamitan ito ng bomb disruptor ngunit natuklasang naglalaman lamang ng paper bag at karton.
Kaugnay nito, nagpaalala ang NCRPO sa publiko na manatiling kalmado sa kabila nang naganap na mga pagsabog.
Sa pahayag na inilabas ni NCRPO Director Oscar Albayalde, tiniyak niyang kontrolado ng Philippine National Police (PNP) ang sitwasyon.
Hiniling ni Albayalde sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, lalo sa social media, upang maiwasan ang panic.
Hinimok ni Albayalde ang publiko na maging mapagmatyag at i-report agad sa pulisya kung may napapansin silang kahina-hinala sa paligid.