CEBU CITY – Patay ang isang miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) na nahuli sa Brgy. Tan-awan, Tubigon sa probinsiya ng Bohol kamakalawa, makaraan tangkang tumakas sa Bohol Provincial Police Office (BPPO), kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Police Regional Office-7 director, Chief Supt. Noli Talino, bandang 2:00 am, habang ibinabiyahe ang Abu Sayyaf member patungo sa bayan ng Cortes para ikulong sa BJMP facility, nakiusap si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad, na huminto muna sila dahil sa tawag ng kalikasan.
Pinayagan siya ng kanyang mga escort at kinalagan ang kanyang posas.
Ngunit nagtaka ang mga awtoridad dahil matagal siyang bumalik kaya agad nilang hinananap.
Dahil sa medyo masukal ang lugar, umabot sa dalawang oras ang kanilang paghahanap.
Kuwento ng heneral, inagaw ni Kiram ang isa sa mga baril ng kayang mga escort at sa puntong iyon nangyari ang palitan ng putok.
Tinamaan ng bala ng baril sa ulo, katawan at paa si Kiram.
Isinugod si Kiram sa ospital ngunit idineklarang “dead on arrival.”
Nahuli si Kiram kamaka-lawa ng umaga makaraan humingi ng pagkain sa isang residente sa Brgy. Ta-n-awan, sa bayan ng Tubigon.
PAGKAMATAY NG ASG MEMBER,
IPINABUBUSISI NI GEN. BATO
INIUTOS ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang imbestigasyon sa pagkamatay nang naares-tong Abu Sayyaf member sa Bohol na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad, habang nasa kustodiya ng mga pulis.
Ayon kay PRO-7 Director Chief Supt. Noli Taliño, inatasan niya ang provincial police director ng Bohol, para pangunahan ang imbestigasyon partikular ang mga pulis na kasama ni Kiram, nang mamatay makaraan ang sinasabing pag-agaw ng baril.
Giit ni Taliño, normal ang ganitong imbestigasyon sa mga ganitong klaseng insidente.
Nauna rito, sinabi ng opisyal, kinailangang ilipat sa BJMP district jail sa Tagbilaran si Kiram dahil walang kulungan sa Bohol provincial police office.
Madaling araw kahapon, habang ibinabiyahe si Kiram papuntang Tagbilaran nang makiusap siyang huminto muna para sa tawag ng kalikasan.
Ngunit sinasabing napatay siya ng mga pulis nang mang-agaw ng baril para tumakas.