ZAMBOANGA CITY – Nasa 19 aktibong kasapi ng teroristang Abu Sayyaf ang panibagong sumuko sa tropa ng pamahalaan sa lalawigan ng Basilan.
Ayon kay Western Mindanao Commander (WestMinCom) Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., kabilang sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan ang dalawang Abu Sayyaf sub-leader, na kinilalang sina Nur Hassan Lahaman alyas Hassan, at Mudz-Ar Angkun alyas Mapad Ladjaman.
Kasama nilang sumuko ang 13 nilang mga tauhan sa tropa ng 64th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. Tumahubong, sa munisipyo ng Sumisip, dala ang kanilang siyam high powered firearms na cal. .50 sniper rifle, M16 rifle, M79 40mm grenade launcher, limang garand rifle, at isang cal. .30 Springfield rifle.
Sinundan ito sa pagsuko ng apat pang magkakapatid na aktibong miyembro ng Abu Sayyaf kidnap for ransom group (KFRG) mula sa Brgy. Basakan, Hadji Mohammad Ajul, Basilan.
Ang apat ay kinilalang sina Patta Salapuddin, 53; Asbi Salapuddin, 32; Sayyadi Salapuddin, 31, at isang Arci Salapuddin, 20-anyos.
Isinuko ng apat na bandido ang dalawa nilang M16 at M79 rifle.