INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang labor groups na magbalangkas ng borador ng executive order, na magbabawal sa kontraktuwalisasyon bilang paraan ng pagkuha ng empleyado ng mga kompanya.
Layunin ni Pangulong Duterte na tuldukan ang sakit sa ulo ng mga uring manggagawa na ENDO o end of contract, na ginagamit na sistema ng mga kapitalista upang makaiwas sa pagsunod sa minimum wage at pagbibigay ng mga benepisyo.
Sa ginanap na dialogue ni Pangulong Duterte sa mga lider-obrero sa Davao City kamakalawa, nagkasundo sila na magsusumite ang labor groups ng draft EO, na tatapos sa ENDO.
Hiniling ng Pangulo sa mga lider-obrero na bigyan pa siya ng dagdag na panahon para ganap na matupad ang pangakong tatapusin ang ENDO.
Sa 10 Mayo, pinapupunta sila ng Pangulo para isumite ang draft EO at iba pang mga panukala na puwedeng ipatupad para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Bibigyan din ng Pangulo ang labor groups at mga unyon ng karapatan na mag-inspeksiyon ng mga pabrika sa buong bansa.
Nangako ang Pangulo na pag-aaralan ang isyu ng pagtataas ng minimum wage at pagkakaloob ng subsidy sa minimum wage earners batay sa suhestiyon ng TUCP.
(ROSE NOVENARIO)