KINILALA ng Palasyo ang mahalagang papel ng mga manggagawang Filipino sa pag-iral ng makatao, makabayan at makatarungang lipunan.
“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga manggagawang Filipino sa pagsulong ng mga karapatan para sa maka-taong pamamalakad, sapat na sahod, organisadong pagkilos kasama ang kolektibong pakikipagkasundo, pagbuo ng unyon at kalayaang magpahayag ng saloobin. Kinikilala ng ating pamahalaan ang mga karapatang ito ng mga manggagawa,” nakasaad sa Labor Day message ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Tiniyak ng Pangulo, sinisikap ng Department of Labor and Employment (DoLE), sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya, na makapagbigay ng libo-libong trabaho rito mismo sa ating bansa.
Ang bunga aniya ng paggawa ay nararapat na maibahagi nang patas sa lahat nang nakikilahok sa tunay na pagbabago.
Hinimok ni Duterte ang mga obrero na maki-pagtulungan sa gobyerno upang lalong mapagtibay ang pundasyon para sa mas payapa at progresibong Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)