KINOMPIRMA ni AFP chief of staff General Eduardo Año, kabilang ang apat dayuhang terorista sa 37 bandido na napatay ng militar sa inilunsad na operasyon sa Lanao del Sur.
Ayon kay Año, sa nasabing bilang, tatlo ang Indonesians at isa ang Malaysian, hinihinalang mga miyembro ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist group.
Inihayag ng AFP chief of staff, 14 sa 37 napatay ang tukoy na ang pagkakakilanlan, kabilang din sa mga napatay ang lider ng Maute terror group na si Imam Bantayao o Bayabao, dating lider ng MILF, sa ilalim ng pamumuno ni Commander Bravo.
Nasa 23 pang iba ang patuloy na tinutukoy ng militar.
Dagdag ni Gen. Año, patuloy ang follow up at mopping up operations makaraan lusubin nang pinagsanib na puwersa ng Army, Navy at Air Force ang balwarte ng Maute terror group sa Piagapo noong 22 Abril.