WALONG taon na kahapon mula nang ‘magpakamatay’ ang asawa ng sikat na TV anchor na si Ted Failon pero mailap pa rin ang katarungan kay Trinidad “Trina” Arteche Etong.
Hindi malinaw kung totoong nag-suicide si Trina ngunit naabsuwelto noong nakaraang taon ang limang pulis ng Quezon City na nag-imbestiga sa pagpapakamatay niya.
May ulat noon na babalikan ng mga pulis si Failon para kasuhan ng obstruction of justice sa pagpapalinis sa ebidensiya kaugnay ng pangyayari.
Ngunit sa hindi malamang dahilan, nanahimik ang mga pulis kahit malinaw sa 22-pahinang desisyon ni Judge Genie Gapas-Agbada ng QC Regional Trial Court Branch 100 na napatunayang walang sala sina Sr. Supt. Franklin Moises Mabanag, Supt. Gerardo Ratuita, Chief Inspectors Cherry Lou Donato at Enrico Figueroa at Senior Insp. Roberto Razon, pawang dating miyembro ng Quezon City Police District’s (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit.
Kinasuhan ang mga pulis ni Failon, ng hipag na si Pamela Arteche-Trinchera; at mga kasambahay na sina Pacifico Apacible, Carlota Morbos, Wilfredo Bolicer at Glen Polan sa hindi pagbasa ng Miranda rights pero napatunayan ng limang pulis na nagawa nila ito kaya nadismis ang kaso.
Dapat sampahan ng mga pulis ng obstruction of justice si Failon, Trinchera at ang apat na kasambahay matapos silang magsabwatan upang linisin ang ebidensiya sa silid kung saan natagpuan ang bangkay ni Trina.
Sa pahayag ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K), hindi dapat makalusot si Failon sa kasong obstruction of justice dahil siyang ang nagpalinis ng ebidensiya lalo sa dugong nagkalat sa silid kung saan sinasabing nagbaril sa sarili si Trina.
“Naging mambabatas si Failon pero kakatwa at kataka-takang iniutos niya ang paglinis ng ebidensiya na batid niyang labag sa batas,” ani 4K secretary general Rodel Pineda.
“Matagal nabilanggo ang dating pulis-Parañaque na si Gerardo Biong dahil sa paglinis sa lugar ng sikat na Vizconde Massacre pero bakit nakalusot si Failon? Dahil ba TV anchor siya ay puwede na niyang pagtakpan ang batas?”
May hinala ang mga naabsuweltong pulis na hindi nagpakamatay kundi may ibang taong bumaril kay Trina kaya mabilis na ipinalinis ni Failon ang silid kung saan naganap ang krimen.
Pero tahimik lamang si Failon sa isyung ito dahil batid ng lahat na kapag nagsalita siya ay lilitaw ang katotohanan na hindi nagpakamatay ang kanyang misis.
(KUNG gustong tumugon o nais magsumbong, mag-email lamang sa [email protected] at mag-text o tumawag sa 09474326230)
ABOT SIPAT – Ariel Dim Borlongan