ISA na namang volunteer ng “doctor to the barrio” ang pinaslang ng suspek na nagpanggap na pasyente sa loob ng kanyang klinika sa Cotabato City, kahapon.
Mariing kinondena ni Health Secretary Paulyn Ubial ang pagpatay kay Dr. Shahid Jaja Sinolinding , ang ikalawang doktor na nasa ilalim ng “doctor to the barrio” na pinatay sa loob ng nakalipas na halos dalawang buwan.
“Another doctor to the barrio Dr. Shahid Jaja Sinolinding was murdered at 11 am today in his clinic in Cotabato City. We condemn in strongest terms the murder of Dr. Sinolinding, the 2nd doctor to the barrio (to be) murdered in two months. The gunman posed as patient,” ani Ubial.
Batay sa ulat, nagpumilit pumasok sa klinika ni Sinolinding ang gunman, na nagkunwaring pasyente.
Noong nakalipas na buwan ay naglabas ng kalatas ang Association of Health Officers of the Philippines (AMHOP) sa Lanao del Norte na nag-utos sa kanilang mga kasapi na huwag balewalain ang mga natatanggap na pagbabanta.
Ang pahayag ay kasunod ng pagpaslang kay “doctor to the barrio” Dreyfuss “Toto” Perlas na nakatanggap muna ng mga banta bago itinumba.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nalulutas ng mga awtoridad ang nasabing kaso.
Ang ‘Doctors to the Barrios’ (DTTB) Program ay inilunsad ni dating Health Secretary Juan Flavier bilang tugon sa kakulangan ng mga doktor sa mga liblib na lugar sa Fi-lipinas.
Batay sa programa, dalawang taon magli-lingkod sa baryo ang doktor ngunit madalang ang itinutuloy ang pagli-lingkod sa pamayanan bunsod ng maliit na sahod at benepisyo, bukod sa panganib sa mga lugar na may armadong tunggalian.
(ROSE NOVENARIO)