TABLADO kay Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pag-angkat ng isang milyong metriko toneladang bigas ni National Food Authority (NFA) Chairman Jason Aquino, sa pamama-gitan ng government-to-government (G2G) transaction.
Bago tumulak patu-ngong state visit sa tatlong Gulf states (Saudia Arabia, Bahrain at Qatar), sinabi ng Pangulo, inutusan niya si Aquino na gamitin ang pondo ng NFA para bilhin ang palay ng mga magsasakang Filipino imbes mag-ang-kat ng bigas sa ibang bansa.
Dapat aniyang unahin ni Aquino ang kapakanan ng mga lokal na magbubukid at kung kakapusin ay saka lamang mag-import ng bigas.
“So I am ordering the — si Jason Aquino sa NFA, kung may pera ka, you start buying. You buy the rice of the local producers if you really want a buffer. Unahin mo muna ‘yang atin, pabawiin mo ang mga farmers, then if there is a shortfall, you might decide to import,” ani Duterte.
Nilinaw ni Duterte, walang girian sa kanyang gabinete taliwas sa ulat na nagbabanggaan sina Aquino, Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Agriculture Secretary Manny Piñol, at Special Assistant to the President Bong Go, sa isyu ng rice importation.
Sinasabing ang pangkat nina Go, Piñol at Aquino ang nagsusulong ng G2G laban kay Evasco at National Food Advisory Council (NFAC) na ang kursunada ay private rice importation, alinsunod sa Minimum Access Volume (MAV) na isasakatuparan ng “eligible importers in good standing and duly registered farmer cooperatives at the Cooperative Development Authority.”
“There is no infighting, there’s no ruckus there, there’s no trouble there,” ani Duterte.
Nauna rito’y ipinanukala ni Aquino ang isang milyong metriko toneladang G2G rice importation, na ayon kay dating Undersecretary Maia Chiara Halmen Valdez ay pabor sa rice smugglers.
Hindi aniya saklaw ng procurement law ang G2G kaya puwedeng magamit sa smuggling at corruption.
Dahil ang NFA aniya ang mamahala sa rice importation, puwedeng impluwensiyahan nito ang supplier kung ano ang pipiliin na logistics provider kaya makakakuha ng rebates sa cargo handling.
Mas mataas aniyang halaga ng logistics , mas mataas ang presyo ng NFA rice.
Maaari rin aniyang gamitin ang G2G sa over importing/over loading ng mismong gobyerno upang mapagbigyan ang “dubious traders” o pasakay dahil ang NFA ang nag-iisyu ng permit at nagmo-monitor ng lahat ng aktibidad ng buong proseso ng G2G, na hindi mababatid ng publiko.
Giit ni Vadez, ang pangunahing papel ng NFA ay hindi umangkat ng bigas at magkaroon ng utang ang gobyerno, bagkus ay para suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan nang pagbili sa kanilang ani.
ni ROSE NOVENARIO