INAMIN ni Gerald Santos na crowning glory para sa kanya ang makasama sa iisang entablado at maka-duweto ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.
Aniya, “Sa kanya po ako nagsimula kaya hindi magiging kompleto ang concert ko kung hindi siya ang makakasama lalo hindi ako sigurado kung ito ang aking magiging huling concert sa taong ito. And besides, ito na ang magiging punto ng aking career na puwede kong sabihing isang legitimate concert artist na ako dahil nakasama ko ang Asia’s Songbird.”
Dagdag pa nito, siya mismo ang namili ng kakantahin nila ni Regine na isang English song na nagustuhan agad nito dahil maliban sa napapanahon, isang sikat itong kanta. Ayaw nitong sabihin ang titulo ng kanta dahil surprise ito kaya may humulang reporter na kanta iyon ni Lea Salonga sa Ms Saigon, ang The Last Night of the World pero tikom ang bibig ng Prince of Ballad.
Mas pinagtutuunan ngayon ng pansin ni Gerald ang kanyang singing career na kung tutuusin, isang dipa na lang ang layo at maaabot na ang rurok ng tagumpay.
Ayon sa kanya, matagal pa para ituon ang atensiyon sa pag-ibig dahil makakapaghintay naman iyon pero ang pananagumpay ay minsan lang dumating sa buhay ng isang tao.
Ayaw man nitong tumbukin kung ano ang ‘bago’ sa titulo ng kanyang konsiyerto na Something New In My Life, maliwanag pa sa sikat ng araw na may kinalaman ito sa kanyang pag-audition sa Miss Saigon.
Kasama rin sa concert niya ang UP Chorus na magaganap na sa April 9 sa Sky Dome SM North EDSA.
PANG-WORLD CLASS
ANG TALENTO
Dumalo ang producer ng konsiyerto ni Gerald na si Mario S. Marcos at aniya, humanga siya sa humble beginning ng mang-aawit. Mayroong gustong abutin si Gerald kaya dapat aalalayan at tulungan. Naniniwala siya sa kakayahan nito dahil pang-world-class ang talento nito sa pagkanta kaya dadalhin niya ito sa Japan, Hongkong, China, Singapore, Malaysia, Macau, at United Kingdom para bigyan-aliw ang Pinoy community doon.
Ang Something New In My Life ay inihahandog ng Twin Productions International, Sixteen Degrees Entertainment Production, Prinstar Music Philippines, MediaBiz Entertainment, Big Eyes Production, Wish FM, Myra at Globaltronics. Katuwang din ang SM Supermalls, Royal AsiaExpress Inc., Smart Foundation, SIP Purified Water, RMES Salon, Japs Ramiscal Phtography, RLTV Productions and Fernando’s. Mabibili ang tickets sa SM Tickets o tumawag sa 470-2222 at 09284782957.
STARNEWS UPLOAD – Alex Datu