UMABOT sa 160 katao, kabilang ang mga sangkot sa droga, ang inaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ng Makati, kahapon at nitong Miyerkoles ng gabi.
Nasa impluwensiya pa ng droga nang masakote nang pinagsanib na puwersa ng Makati City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang mga suspek na sina Maritess Lucero, Jaime Banzon, Jayvee Barcelona, at isang hindi pa nakikila-lang babae, pawang nasa hustong gulang ng Brgy. Cembo, Makati City.
Ayon sa ulat ng Makati City Police, sinalakay ng mga awtoridad ang lungga ng hinihinalang mga pusher at user, dakong 10:00 pm nitong Miyerkoles sa Sampaloc St., Brgy. Cembo, ng nasabing lungsod.
Pinasok ng mga pulis ang bahay ni Lucero, ang target ng serach warrant.
Sabog sa droga ang nahuling mga suspek, at nakompiskahan ng 30 gramo ng shabu.
Target rin ng PDEA ang isang Rodolfo Banzon ngunit nakatakas at ang tiyuhin na si Jaime ang kanilang nasakote.
Samantala, nasa 156 katao na pawang sangkot sa droga at lumabag sa mga ordinansa ang hinuli ng pu-lisya sa magkakahiwalay na anti-criminality operation sa siyudad ng Makati dakong 1:00 am kahapon sa iba’t ibang barangay.
Nasa 20 ang nahuli at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at ang 136 ay lumabag sa iba’t ibang ordinansa na ipinatu-tupad sa lungsod.
(JAJA GARCIA)