MAGPAPALABAS ng guidelines ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung paano ipatutupad ang apat na traffic measures kabilang ang “flexi-ble working time” para sa mga kawani ng pamahalaan, sa national at local.
Sinabi ni MMDA General Manager officer-in- Charge Tomas “Tim” Orbos, kabilang sa utos ng pangulo, ang pagbubukas ng mga service road sa Roxas Blvd. pagkatapos ng Semana Santa.
Nais din aniya ng pangulo na payagang makadaan ang mga truck sa gabi sa kahabaan ng EDSA, at sa iba pang pangunahing lansangan.
Nais din aniyang isulong ni Pangulong Duterte ang tinatawag na flexible working time sa mga tanggapan ng gobyerno.
Nangangahulugan ito na iba’t ibang oras ang pagpasok at pag-uwi ng mga kawani ng iba’t ibang tanggapan kada araw.
Dagdag ni Orbos, pinakakasuhan ni Pangulong Duterte ang mga lumalabag sa trapiko, at sakaling bumalik ang mga sasakyang nakahambalang sa kalsada, dapat na kasuhan ang mga may-ari nito.
Ito ang mahigpit na kautusan ng Pangulo sa ginawa niyang paki-kipagpulong sa MMDA, sa layuning maresolba ang problema sa masikip na trapiko.
Ayon sa MMDA chief, ang mga programang ito ay pinag-aaralan pa lamang para sa bubuuin nilang guidelines bago ito ipatupad.
(JAJA GARCIA)