AMINADO si Justice Sec. Vitaliano Aguirre, walang napala ang kanyang pagdulog sa Cabinet kamakalawa ng gabi, para mabayaran ang hindi naibibigay na overtime pay ng immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Magugunitang 30 immigration officers na ang nagbitiw habang nasa 50 ang naka-leave sa trabaho dahil sa hindi naibibigay na overtime pay.
Sinabi kahapon ni Sec. Aguirre, nanindigan si Budget Sec. Benjamin Diokno na ilegal ang kanyang panukalang kunin sa express lane fees ang ibabayad sa overtime pay ng mga nagrereklamong immigration officers.
Ayon kay Aguirre, iginiit ni Diokno na ang solusyon sa problema ay paglikha ng halos 1,000 plantilla positions at mapaglaanan ng kaukulang overtime pay.
Ang nagrereklamong immigration officers aniya ay job orders at hindi puwedeng tumanggap ng overtime pay na mas mataas ng 50 porsiyento sa regular pay.
Bago ang Cabinet meeting kamakalawa ng gabi, tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala ni Aguirre na bayaran ang overtime pay ng immigration officers, at pinabababalik sa national treasury ang inilaang pondo mula sa nakolektang express lane fees.