SOCORRO, Mindoro Oriental – Tinawag na bulok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang liderato ng European Union (EU) dahil isinusulong na makulong siya bunsod ng umano’y extrajudicial killings (EJKs) sa drug war at palayain si Senator Leila de Lima na nahaharap sa kasong drug trafficking.
“Itong mga puti, bulok talaga, ako pa ang i-pakukulong, gusto ipa-release si De Lima,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa People’s Day sa Barangay Bagong Dali kahapon.
Kamakailan ay nagpasa ng resolution ang EU Parliament na humihiling na palayain si De Lima at imbestigahan ang isyu ng EJKs sa panahon ng administrasyong Duterte.
Para sa Pangulo, black propaganda ito ng mga nais siyang patalsikin sa puwesto na pinopondohan ng mining companies, drug lord at nina American billionaire George Soros at Fil-Am millionaire Loida Nichols-Lewis.
Kaugnay nito, nairita ang Palasyo sa ulat na mino-monitor ng International Criminal Court (ICC) ang drug-related killings sa Filipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi maaaring basta makialam ang ICC sa mga internal na usapin ng bansa lalo na’t wala itong kongkretong ebidensiya na nagpapatunay na may nagaganap na crimes against humanity sa Fili-pinas sa ilalim ng gobyernong Duterte.
Inabsuwelto na rin aniya ng Senado si Pa-ngulong Duterte sa kasong crimes against humanity.
(ROSE NOVENARIO)