IBINIDA ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang resulta ng Pulse Asia survey, nagsasabing 82 porsiyento ng taga-Metro Manila ang nagsabing mas ligtas ang pakiramdam nila kasunod nang pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Ang nasabing survey na ipinamahagi ng NCRPO, ay isinagawa noong 6-11 Disyembre 2016, limang buwan makaraan ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anti-drugs war.
Sinabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde, nagpapasalamat sila sa nasabing survey result dahil nagpapakita itong naramdaman ng mamamayan ang pagtahimik ng mga lansangan.
Ayon kay Albayalde, bukod sa NCR, nakita rin ng publiko ang accomplishment ng buong Philippine National Police (PNP).
Una nang sinuspendi ng pangulo ang partisipasyon ng PNP sa anti-drug war, kasunod nang pagdukot at pagpatay kay South Korean national Jee Ick Joo sa loob mismo ng PNP headquarters sa Camp Crame, na pa-ngunahing suspek ang anti-drug operatives.
Muling inilunsad ng PNP ang anti-illegal campaign makaraan silang payagan ni Pangulong Duterte noong 6 Marso, at tinawag itong “Double Barrel Reloaded, Tokhang Revisited.”
(JAJA GARCIA)