DAHIL umano sa “culpable violation of the Constitution” at “betrayal of public trust” hayun mga ‘igan si Robredo, kabado, dahil sa “impeachment complaint” laban sa kanya na inihain nina Atty. Oliver Lozano at Melchor Chavez.
Aba’y agad naman itong sinagot ng Spokesperson ni Robredo na si Georgina Hernandez, aniya’y hindi maaaring tawaging “betrayal of public trust” ang ginawa nitong si Robredo, sa dahilang may karapatan umano siyang maglahad ng katotohanan at higit sa lahat ng tunay na karanasan ng mga ordinaryong Filipino sa kanila buhay.
Ganern ba mga ‘igan?
Aba’y teka, ano nga ba ang ginawa nitong si Vice President Leni Robredo?
Naging usapin ang ginawang pag-arangkada ni VP Robredo sa kanyang “video message sa United Nations (UN). Partikular sa isyung “palit-ulo-scheme.” Naku mga ‘igan, hindi rin umano ito palalagpasin ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Anila, okey lang umano kung sa Filipinas lang inihayag. E…sus, sa “international community” mga ‘igan! Ang siste pa rito’y mali umano ang datos na ibinigay ni Robredo. Kaya hayun, hahainan ang Ale ng “disbarment case” ng VACC.
Patay kang bata ka…
Dagdag pang isyu mga ‘igan sa nasabing “video message” ang todo-todong paninirang ginawa ni Robredo sa ating bansa, kay Ka Digong, maging sa ating pamahalaan/gobyerno at higit sa lahat sa ating Philippine National Police. Sa usaping kampanya laban sa ilegal na droga ni Ka Digong sa bansa, mantakin n’yong nakangiti pang ibinubulalas sa buong mundo na marami na umanong namamatay na kapwa n’ya Filipino dahil sa kampanya ni Ka Digong kontra sa “illegal drugs.”
Tunay na kahinahinala mga ‘igan ang mga ibinulalas ni Robredo. Hindi kaya, sadya itong isinabay sa pagsasampa ng kasong “impeachment” laban kay Ka Digong? Ano’t naibulalas sa harapan pa ng UN Commission on Narcotic Drugs? Anong ibig ng Ale?
Kung ang ibig ay gulo, patok umano ang hakbang na ito! Kung gusto namang makatulong, aba’y nandiyan at bukas naman ang lahat ng Kawanihan ng ating pamahalaan upang talakayin kung ano mang isyu ang gusto ng paglilinaw. Idagdag pa ang media, pero… ano’t ang ibig niya’y sa mga banyaga magsumbong ‘este dumulog?
Patindi nang patindi mga ‘igan ang bangayan sa pagitan ng dalawang grupo — ang kampi kay Ka Digong at ang kampi kay Aling Leni. Kailan ito matutuldukan? Sobrang laking epekto nito sa taongbayan, lalong-lalo sa mga kababayan nating maralita. Imbes magpalitan ng maaanghang na salita, bakit hindi na lamang pag-usapan ang magagandang proyekto at programa ng pamahalaan o gobyerno para sa kapakinabangan ng lahat lalong-lalo ng mahihirap at hindi ng iisang tao tamang?
CHINA PAILALIM
KUNG KUMANA
Habang nagbabangayan sina President Rodrigo “Digong” Duterte at Vice President Leni Robredo, abala naman mga ‘igan ang China at nagkukumahog sa pagkubkob umano ng Filipinas.
He he he… aba’y mga ‘igan, garapalan na itong pagkilos ng bansang China. Mantakin n’yong hayok na hayok na masakop ang Bajo de Masinloc sa lalawigan ng Zambales. Sus ginoo, baka magising tayo isang umaga na burado na sa Mapa ang Zambales He he he… at pag-aari na ito ng China!
Huwag sanang maghari ang pagiging “magician” ng mga Chinese bagkus ang Filipinas ang wagi sa agawan ng teritoryo.
BRGY. 659-A MAY LEHITIMONG
RESIDENTE BA?
Isa ito sa napakalaking katanungan — may mga lehitimong residente ba sa nasabing barangay? Ang sigurado rito’y may budget ang Lungsod ng Maynila para sa barangay na ito, ukol sa iba’t ibang proyekto at programang barangay. Ayon sa aking pipit-na-malupit, nasaan umano ang mga proyekto at program para sa barangay? Nasaan umano ang budget na nakalaan dito? Kaninong bulsa ‘este saan napupunta ang budget e…wala nga umanong residente rito? Sus ginoo, mas marami pa ang mga sasakyan sa nasabing barangay, lalo na sa Plaza Lawton na illegal terminal ng iba’t ibang sasakyan, kaysa mga lehitimong taong dapat nakatira sa barangay! Paging Mayor Erap Estrada, SIR nawa’y mapaimbestigahan po ninyo ang mga katarantadohang bumabalot sa makasaysayang Plaza Lawton…
Abangan!
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI – ni Johnny Balani