TATLONG giant pearls na nakadikit pa sa taklobo, itinuturing na ‘endangered species’ ang nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI), nang maaresto ang 10 katao na nagbebenta nito sa entrapment operation sa T.M. Kalaw St., Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nasa kustodiya ng NBI, at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 102 ng Republic Act 8550, o The Philippine Fisheries Code of 1998, inami-yendahan bilang RA 10654, ang mga suspek na sina Jonathan Aceres, Victor Aceres, Gerardo Cerezo, Manuel Tempra, Nor-berto Enverzo, Jesusalora Oliva, Vincent Tanggara, Dixie Marie Madridano, Natranillo Lariosa, at Nonito Grandia.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI base sa impormasyon na natanggap noong 19 Disyembre 2016, na may grupo ng indibidwal mula sa Tarlac, ang nagbebenta ng higanteng perlas mula sa taklobo, ikinokonsiderang ‘endangered species’
Nitong Pebrero, naestablisa ang pagkakakilanlan ng grupo sa pamamagitan ng isang informant, at napag-alaman na ibinebenta sa halagang P150,000 kada kilo, ang giant pearls na tumitimbang ng 30 kilograms.
Nagkasundo ang poseur buyer na bilhin ang tatlong giant pearls sa halagang P97 milyon.
Dinakip ng mga operatiba ng NBI ang mga suspek nang makita ang tatlong giant pearls sa loob ng sasakyan sa nabanggit na lugar.
Nakatakdang i-turn over ng NBI sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nakompiskang giant pearls.
Sa isinagawang pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), lumabas na ang nakompiska ay tunay na taklobo (giant clam), may scientific name na Tridacna Gigas.
(LEONARD BASILIO)