MARAMING reklamo ang mga empleyado mismo ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa katiwalian ni dating Executive Director Ramil R. Tan at ang kanyang Deputy Executive Director for Operations na si Ariel P. Maralit.
Sa dalawang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte ng PRRC Employees noong 11 at 31 Enero, 2017, isinalaysay ng mga empleyado ang korupsiyon nina Tan at Maralit partikular ang pagpapaupa sa mga bakanteng puwesto sa 1,728 housing units sa relocation site ng PRRC sa Punta, Sta. Ana, Maynila na ang renta ay ibinubulsa umano gayon din ang pagbibigay ng tatlong yunit ni Maralit sa sinasabing kanyang ‘kabit’ na isang alyas “Haydee.”
Inilinaw din nila na itinalaga si Tan noong Aquino administration at nakipagsabwatan kay Maralit na empleyado rin ng PRRC para kapwa sila umangat sa puwesto at sinabing kinakaltasan nila ang mga guwardiya ng PRRC ng tig-P1,000 kada buwan mula noong taong 2015.
Nabatid, sa isang management committee (Mancom) meeting ng PRRC, ikinatuwiran ni Tan na may instruksiyon umano si PRRC Chair Gina Lopez na kumuha ng 30 porsiyento sa bawat kontrata sa mga proyekto ng ahensiya na pinagdudahan ng ibang miyembro ng Mancom na gawa-gawa lamang nina Tan at Maralit para kumita.
“Another display of conduct unbecoming of an officer by Mr. Tan was when you Sir (PRRD) ordered the scalawag officers to clean the Pasig River. He was fuming mad that morning thinking that the reason you deploy police officers to clean was that you find Pasig River dirty,” ayon sa liham ng PRRC employees. “All officers of PRRC got the early morning ‘PI.’ What was disturbing was he keeps on repeating that ‘Sinungaling talaga ang Presidente natin.’ This was on formal Mancom meeting which was heard by the staff. All these were captured on recording.”
Itinalaga kamakailan ni Duterte si San Juan City PDP Laban Council President Jose Antonio Goitia bilang bagong Executive Director ng PRRC na may layuning alisin ang korupsiyon sa ahensiya at magamit sa transportasyon ang Pasig River upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Si Goitia ang vice chairman ng PDP Laban for membership and international Overseas Filipino Workers (OFWs) bukod pa sa pagiging PDP Laban National Capitol Region (NCR) membership Chairman, Head Policy Studies Group NCR at miyembro ng Business and Finance Committee ng partido. Mataas na opisyal din si Goitia ng Hugpong Federal Movement of the Philippines.