DINIDINIG muli sa mababang kapulungan ng Kongreso, ang panukala na gawing legal ang paggamit ng medical marijuana.
Unang pagkakataon ito na nangyari sa ilalim ng 17th Congress na dininig ng House Committee on Health ang House Bill 180 o ang Medical Cannabis Bill, na iniakda ni Isabela Rep. Rodito Albano.
Matatandaan, noong nakaraang Kongreso pa inihain ni Albano ang naturang panukala, ngunit naibigo itong maipasa.
Sa ilalim ng medical marijuana bill, bibigyan ng pagkakataon ang mga pasyente na may malalang karamdaman, na makagamit ng marijuana.
Ito ay para maibsan ang matinding sakit, at hirap na nararanasan dulot ng kanilang mga karamdaman.
Ngunit nakasaad sa ilalim ng naturang panukala ang mga panuntunan, para hindi maabuso ang sistema ng paggamit ng medical cannabis.
Kabilang dito ang ang pagpaparehistro ng mga pasyenteng pahihintulutan gumamit nito gayondin ang paglimita sa dosage nito.