MULI na namang natakasan ng mga notoryus na Korean national ang Bureau of Immigration (BI) detention facility sa Camp Bagong Diwa, sa Bicutan nitong Linggo, 6 Marso ng madaling araw.
Isa sa mga nakatakas ang Korean national na dinakip dahil pugante sa South Korea at itinurong pumaslang sa kanyang tatlong kababayan sa Bacolor, Pampanga habang ang isa pa ay sinabing pusakal na manggagan-tso at matagal na ring pinaghahanap sa kanilang bansa.
Kinilala ang mga pusakal na puganteng Koreano na sina Park Wang Yeol at Jung Jaeyul, kapwa 38-anyos na dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa magkaiba at magkahiwalay na sirkumstansiya noong Nobyembre 2016 at Enero ng kasalukuyang taon.
Sa ulat, sinabing nitong Linggo, 6 Marso, dakong 4:55 am, nakita na lamang na wasak na ang kisame at bubong na kinakukulungan nina Park at Jung at hinihinalang doon lumusot hanggang malayang nakatakas sa detention facility.
Tahimik ang pamunuan ng BI, sa naganap na pagtakas ng dalawang Koreano na kapwa pugante sa kanilang bansa pero nakuha pa ring makatakas dito sa Filipinas.
Si Park, dinakip noong 17 Nobyembre 2016 sa kanyang pinaglulunggaan sa Arista Place, Barangay Don Galo, Parañaque City dahil sa pagpaslang sa kanyang tatlong kababayan na kinabibilangan ng isang babae sa Bacolor Pampanga noong 11 Oktubre 2016.
Bago ito, nakipag-ugnayan ang South Korean court sa mga awtoridad sa bansa noong 11 Setyembre at naglabas ng Interpol red notice dahil sa kasong conspiracy to murder na kinasasangkutan ni Park.
Matapos ang isang buwan, natagpuan ang bangkay ng tatlong Korean national sa isang tubuhan sa Barangay Maliwalo, Bacolor.
Kinilala ang mga biktima na sina Sim Tae So, Maeng Jung Yeon, at Park Young Pi, lahat ay may tama ng bala sa ulo at punong-puno ng sugat at pasa sa buong katawan.
Dinakip si Jung nitong 26 Enero 2017 ng BI Fugitive Search Unit sa kanyang inuupahang unit sa Lanika Building, Ohana Residences, Las Piñas City.
Wanted si Jung sa South Korea sa kasong pandaraya at panggagantso.
Sinabing ang dalawa ay nahaharap sa deportation proceedings, dahil mayroon silang mga kaso na dapat harapin sa kanilang bansa.
Sina Park at Jung ay ilan lamang sa mga dayuhang pusakal na nagawang makatakas sa BI detention facility sa Camp Bag0ng Diwa, Bicutan na wala man lang nakapuna, nakasita o nakaharang, sa kabila na napakalayo ng agwat nito sa main gate ng Camp Bagong Diwa.
Isa sa mga kontrobersiyal na pugante ang isang Cho Seongdae, 49, kilala sa alyas na Lee Doyeon, na tatlong beses tumakas sa mga awtoridad. Dalawa sa Bicutan at ang huli ay sa ISAFP jail noong 2015.
ni Jerry YAP
9 BI JAIL GUARDS
SINIBAK
SINIBAK ng Bureau of Immigration (BI) ang 9 jail guards sa BI detencion center sa Bicutan, Taguig City, kasunod nang papuga ng dalawang Koreano nitong Lunes.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente, bukod sa pagkakasibak ng jail guards, inatasan niyang magpaliwanag sila sa loob ng 72 oras kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo at kriminal, kaugnay sa pagpuga ng nasabing mga dayuhan.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Park Wang Yeol, 38, at Jung Jae Yul, 38, nakapuga sa pamamagitan nang pagsira sa kisame at rooftop ng kanilang detention cell, at pagsira sa bakod sa paligid ng detention faci-lity sa Camp Bagong Diwa.
Ayon kay Morente, ang insidente ay iniimbe-stigahan at inaalam kung may mga sangkot na jailguards, habang iniutos ang massive manhunt laban sa mga dayuhang pugante.
Pangungunahan aniya ni Atty. Henry Tubban, BI legal officer, ang imbestigasyon sa nasa-bing jailbreak.
(LEONARD BASILIO)