ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si PDP-Laban San Juan City President Jose Antonio Goitia bilang bagong Executive Director ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), isang ahensiyang nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nagtapos ng Master of Public Administration sa University of the Philippines, si Goitia ang vice chairman for membership and international Overseas Filipino Workers (OFWs) ng PDP Laban bukod pa sa pagiging PDP Laban National Capitol Region (NCR) membership Chairman, Head Policy Studies Group NCR at miyembro ng Business and Finance Committee ng partido.
Si Goitia ang awtorisadong kinatawan ng China Construction at China Railways sa ating bansa kaya napili ni Duterte na italaga sa PRRC sa malawak na koneksiyon sa mga dayuhang maaaring tumulong sa pagpapaunlad ng bansa lalo sa rehabilitasyon ng Pasig River.
Ayon kay Goitia, sinusuportahan niya ang misyon ni Sec. Lopez na ma-rehabilitate ang kalidad ng tubig sa Pasig River sa Class C na mabubuhay ang mga isda at maaaring magamit ang ilog sa lubos na transportasyon at secondary recreation tulad ng pamamangka.
“Kailangan talagang buhayin natin ang Pasig River na matingkad na bahagi ng ating kasaysayan at kaunlaran,” ani Goitia na opisyal din ng Hugpong Federal Movement of the Philippines. “Kaya nating buhayin ang Pasig River upang maipakita sa buong mundo ang bagong uri ng pamumuhay sa kalunsuran na may malasakit sa kapaligiran.”