MAGDASALTUNAY na walang kawala sa batas mga ‘igan si Senator Leila De Lima.
Dahil sa inilabas na warrant of arrest laban sa Senadora ni Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 204, aba’y hayon sa rehas na bakal ang bagsak, ika nga’y sa kangkungan na pupulutin si De Lima.
He he he…
Dahil dito’y todo apela na ang ginawa sa Korte Suprema ng Ale.
Hirit dito, hirit doon ngayon mga ‘igan ang ginagawa ng kampo ni De Lima sa Supreme Court, na ang ibig ay mapawalang bisa ang umarangkadang warrant of arrest at maging ang pagpapahinto sa pagsasagawa umano ng pagdinig hinggil sa kasong ilegal na drogang kinasasangkutan ni De Lima.
‘Ika nga ni Ka Digong, “De Lima can always pray that the truth will come out eventually, if there is another truth.”
He he he…
Laliman ang dasal sa kangkungan nang magkaalaman nang buong katotohanan! Dagdag ni Ka Digong… “I think, people are interested not to see her (De Lima) death but to see her in prison for what she did…”
Sabagay, minsan dapat maging sadista, upang maipalasap nang todo-todo ang hirap dahil sa umano’y kawalanghiyang pinaggagagawa.
Mga ‘igan, papanagutin ang nagkasala at ‘di dapat itong palagpasin! Magdusa ang dapat magdusa. Tulad ni De Lima’y dumating na umano ang tamang panahon para sa kanya. Ngunit ‘igan, hudyat na rin kaya ito ng paglalagay ng tuldok sa ilegal na drogang kanyang kinasasangkutan?
DENR–EMB–NCR
AT MBB AARANGKADA
Sa pagdiriwang mga ‘igan ng “World Water Day” sa buwan ng Marso, ang Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau–National Capital Region (DENR-EMB-NCR), sa pamumuno ni Regional Director Vizminda A. Osorio, ay magsasagawa ng “simultaneous clean–up” na makikiisa ang “Adopt–An–Estero/Waterbody Program Donor Partners” na nasa kanilang respective adopted estero/water body, sa 4 Marso, sa Sabado po ‘yan, 6:30 am onwards. Sina Ms. Sharoline Silvestre at Ms. Catherine M. Cayabyab ng DENR-EMB-NCR ang naging Coordinators ng nasabing Activity.
Kasabay nito mga ‘igan ang pag-arangkada ng Manila Barangay Bureau (MBB), na kasalukuyang pinamumunuan ni MBB Director Arsenio A. Lacson Jr., katuwang sina (outgoing) MBB Assistant Director Ronaldo DL. Moriones at (incoming) MBB Assistant Director Renato R. Meneses, sa kanilang “MBB Simultaneous Clean–Up Drive Operation” na magaganap sa iba’t ibang barangay ng District I–VI ng Maynila, na may temang: “Barangay Ko, Linis Ko.”
Ang ikatatagumpay mga ‘igan ng mga programang tulad nito’y siyempre ang full support ng MBB Supervisors at Coordinators na nakatalaga sa iba’t ibang distrito at higit sa lahat ang aktibong partisipasyon nang lahat ng barangay sa pangunguna ng kani-kanilang masisigasig na opisyal sa lungsod ng Maynila.
Good Luck mga ‘igan! Go Go Go…
MGA ILEGAL SA PLAZA
LAWTON SIBAKIN
Matagal nang panahong nagpapasasa mga ‘igan ang mga tiwaling lingkod-bayang sangkot sa kurakutan d’yan sa Plaza Lawton. Ano’t hindi matinag-tinag ang mga katarantadohan diyan, bagkus papalala nang papalala? Anak ng teteng, dati-rati’y kaunti lang ang mga sasakyang ilegal na nagpa-park. Ngayo’y super dami na, lalong-lalo ang pampasaherong van at bus.
Dinagdagan ng illegal vendors at tambayan ng mga holdaper at isnatser. Sus, kaawa-awa naman ang mga nabibiktima ng mga animal.
Marami na rin ang bumabatikos sa mga ilegal na gawain d’yan sa Plaza Lawton. Ngunit naging bulag at bingi ang MMDA at ang pulisyang nakatalaga sa Plaza Lawton. Sadya nga bang nakabubulag at nakabibingi ang kitaan d’yan sa Plaza Lawton? Hanggang kailan kaya ang ligaya at ang pagpapasasa sa kurakot ng mga animal? Aba’y hinay-hinay lang baka maboldyak kayo ni “Bato.” Kayo rin, baka magsisi kayo…ngunit…huli na…
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI – ni Johnny Balani