ILOILO CITY – Muling sinalakay ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang bahay ng itinuturing na right hand ng sinasabing Western Visayas drug lord, na si Melvin Odicta.
Umaabot sa mahigit P.5 milyon halaga ng shabu ang nakompiska sa bahay ni Rolando Torpio, sa South San Jose, Molo, sa Lungsod ng Iloilo, P10,000 halaga ng cash, at isang bala ng 22 caliber pistol.
Ngunit nabigo ang mga awtoridad na maaresto si Torpio.
Sinabi ni PDEA Assistant Regional Director Levy Ortiz, posibleng nalaman ni Torpio ang balak ng mga awtoridad, na i-raid ang kanyang bahay.
May closed circuit television camera (CCTV) ang bahay kaya nakatakas nang makita ang paparating na puwersa ng PDEA.
Dati nang nakulong ang sub-group leader ni Odicta, makaraan sumuko sa kasong illegal posession of drug paraphernalia, ngunit nakalaya nang magpiyansa.
Ayon sa PDEA, makaraang makalaya, muling bumalik sa pagtutulak ng ilegal na droga si Torpio, at kamakailan ay nakabili sa kanya ng shabu ang mga ahente ng PDEA.