NAIBALIK na sa kanyang kaanak ang isang 91-anyos lolo, natagpuang naglalakad habang may dalang P1.5 milyon sa EDSA, Mandaluyong City nitong Lunes.
Ayon sa police report, nakita ng nagrorondang mga pulis at opisyal na Brgy. Barangka Ilaya, na pinagka-kaguluhan ng ilang tao ang lolo sa EDSA bandang 5:30 pm.
Nang lapitan, nakita nilang may dalang mga salaping piso at dolyar ang lolo. Hawak niya ang ilan, habang ang iba ay nasa bulsa ng kanyang pantalon.
Dinala nila ang lolo sa barangay hall para makuha ang pagkakakilanlan, at mabilang ang dala niyang pera.
Naitala nila ang halos 300 piraso ng dollar bills, na nagkakahalaga ng P1.3 milyon, at peso bills, na aabot sa P276,000.
Ipinaliwanag ng matanda sa mga awtoridad, tataya dapat siya sa sabong, ngunit hindi magkakatugma ang ilang bahagi ng kanyang kuwento.
Sa pamamagitan ng nakuhang lisensiya at senior citizen ID, nakontak ng mga opisyal ang isang anak ng matanda sa Pasig.
Hindi niya nakilala ang anak nang iharap sa kanya. Ngunit may dinalang patunay ang anak na mag-ama sila, kaya itinurn-over sa kanya ng mga pulis ang matanda.
Nakiusap ang pamilya na huwag ilabas ang pagkakakilanlan ng lolo.