SINUSPINDE ng Palasyo ang klase sa elementarya at high school sa lahat ng apektadong lugar sa buong bansa dahil sa ilulunsad na welga ng jeepney drivers ngayon.
“Suspension of classes tomorrow in all affected areas nationwide in elementary and high school levels (private and public) due to transport strike,” anang mensahe ni Executive Secretary Salvador Medialdea, na ipinamahagi sa Palace reporters ng Presidential Comunications Office kahapon.
Ang transport strike ay bilang pagtutol sa pla-no ng pamahalaan na i-phase-out ang lumang jeepneys at ipatutupad na P7 milyon minimum capital para sa jeepney operators, at 10 minimum units para sa bawat prankisa.
Pangungunahan ang welga ng transport group na PISTON, inaasahang lalahukan ng kanilang libo-libong mga miyembro sa buong Metro Manila at i-lang lalawigan.
(ROSE NOVENARIO)
NATIONWIDE TRANSPORT
STRIKE KASADO NA
TULOY ngayong araw ang nationwide transport holiday, ilulunsad ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), at iba’t ibang transport coalition.
Sinabi ni George San Mateo, plano nilang ipara-lisa ngayong araw ang biyahe ng mga public utility jeepney (PUJ) sa Cagayan, at Isabela province sa Region 2, Laguna, Bicol partikular sa Sorsogon, Albay Camarines Sur, Baguio, Iloilo, Aklan, Capiz, Negros Occidental, Cebu, Leyte, Northern Mindanao, partikular sa Cagayan de Oro, Bukidnon, General Santos, at sa buong Metro Manila.
Sa pagtaya ng PISTON, nasa 200,000 tsuper, at operators ang makikilahok sa kanilang welga kaya’t asahan ang pahirapang pagsakay.
Nagpabatid na rin ng planong pagdalo sa malawakang tigil-pasada ang grupong Stop and Go Transport Coalition, at No To Jeepney Phase-out Coalition.
Magsisimula ang tigil pasada dakong 6:00 am.
80% TRANSPORT OPERATIONS
PAPARALISAHIN
SA NORTH MINDA
CAGAYAN DE ORO CITY – Tatangkain ng i-lang transport group na maparalisa ang transportasyon hanggang 80 porsiyento, sa ilulunsad nilang nationwide transport strike, sa Hilagang Min-danao ngayong araw, Lunes.
Ito ay makaraan ti-yakin ni Joel Gabatan, regional coordinator ng National Confederation of Transport Union (NCTU), na all set na ang kanilang malawakang tigil-pasada, inaasahang sasalihan ng 15 transport group nitong rehiyon.
Inihayag ni Gabatan, gagamitin nila ang kanilang mga maybahay na siyang personal na hihikayat sa mga kalye u-pang tuluyang mapatigil ang mangilan-ngilang PUJ drivers na papasada.
Sinabi ni Gabatan, hindi sila tutol na ipatupad ng gobyerno ang pag-phase out ng mga pampasaherong sasakyang 15 taon at pataas ngunit dapat bigyan pa sila ng limang taon na moratorium.
Nadismaya lamang aniya sila dahil patuloy na nagmamatigas ang Department of Transportation (DOTr) na pagbigyan ang kanilang hinaing kaya ipararamdam nila ang kasagutan sa Lunes.
LTFRB NAKAHANDA
INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakahanda sila sa transport strike nga-yong araw.
Ayon sa LTFRB, 51 government vehicles ang naka-standby, para tumulong sa mga pasahero.
Sa panayam ng radio DZMM, sinabi ni LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, naghanda rin sila ng 100 bus sa anim kritikal routes. Habang 200 pulis ang naka-deploy na magbabantay sa mga bus.
Ang bus at jeepney ay “exempted” sa number coding ngayong araw.
Sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang lahat ng public utility vehicles ay pahihintulutang bumiyahe, habang tinutugunan ng ahensiya ang mga isyu, kaugnay sa planadong strike ng transport groups, bunsod nang pag-phaseout sa mga jeep.
Inaasahang libo-libong mga pasahero ang maaapektohan ng nasabing nationwide strike ngayong araw.