HINDI suicide kundi namatay sa accidental firing ang 45-anyos dating barangay konsehal, makaraan makalabit ang baril at tinamaan sa dibdib sa kanyang kuwarto noong 19 Pebrero ng gabi sa Caloocan City.
Ang biktimang si Romel del Prado, panganay na anak ng beteranong CAMANAVA reporter na si Grande del Prado, residente sa Phase 3 E-1, Block 1, Lot 10, Dagat-dagatan, Brgy. 14, ay hindi umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center, sanhi ng isang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa dibdib.
Batay sa ulat ni S/Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, dakong 10:15 pm nang maganap ang insidente sa kuwarto ng biktima habang ang misis niyang si Sally ay nanonood ng telebisyon sa ibaba ng kanilang bahay.
Nang makarinig ng putok ng baril ang ginang, mabilis siyang nagtungo sa kuwarto at nabungaran ang biktima habang nakadapa at duguan kaya isinugod niya sa ospital ngunit hindi umabot nang buhay.
Sa tabi ng biktima ay natagpuan ang isang kalibre .38 baril na may limang bala at isang basyo.
Unang napaulat na nagpakamatay ang biktima ngunit itinanggi ito ng pamilya.
(ROMMEL SALES)