BAGUIO CITY – Patay ang apat miyembro ng Kalinga Provincial Public Safety Company, habang kritikal ang tatlong iba pa, nang lumaban ang suspek na sisilbihan nila ng warrant of arrest sa Lubnac, Lubuagan, Kalinga, kamakalawa.
Ayon kay S/Supt. Brent Madjaco, provincial director ng Kalinga Police, kabilang sa mga namatay sina PO3 Cruzaldo Lawagan, PO2 Jovenal Aguinaldo, PO1 Charles Compas, at PO1 Vincent Paul Tay-od.
Habang sugatan sina S/Insp. Edward Liclic, PO1 Ferdinand Assuncion, at PO1 Ferdie Liwag, ginagamot sa Kalinga Provincial Hospital.
Sinabi ni Madjaco, patay rin sa nasabing enkwentro ang suspek na si Willy Sagasag, itinuturing na high value target ng pulisya, dahil sa kasong murder at iba pang krimen.
Siya ay lider ng robbery gang, itinuturong suspek sa pag-ambush na ikinamatay ng tatlong pulis noong 2002.
Si Sagasag, may patong sa ulo na P600,000, ay naaresto noong Abril 1998 ngunit nakatakas.
Muli siyang nadakip noong 2001, at ikinulong sa Kalinga Police Provincial Office, ngunit muling nakatakas habang sakay ng pampasaherong jeep para ilipat sa kulungan sa Tuguegarao City, Cagayan.
Naitakas siya ng kanyang mga kasama nang mapatay ang dalawang jail guard.
Nagpadala na ang 503rd Infantry Brigade ng kanilang puwersa sa lalawigan ng Kalinga, para tumulong sa operasyon, lalo na’t hindi matiyak kung sino ang mga kasama ni Sagasag, na naka-enkwentro ng pulisya.
SUNDALO PATAY SA AMBUSH
SA MAGUINDANAO
COTABATO CITY – Patay ang isang sundalo sa pananambang ng hinihinalang liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), sa probinsya ng Maguindanao, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Sgt. Zaldy Caliman, kasapi ng 57th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon kay Maguindanao police provincial director, S/Supt. Agustin Tello, lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo, kasama ang kanyang anak at asawa mula sa kampo, pauwi sa kanyang bahay sa Brgy. Bagan, Guindulungan, Maguindanao, ngunit pagsapit sa Brgy. Meta, sa bayan ng Datu Unsay, bigla silang hinarang ng dalawang hindi nakilalang suspek, at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 pistola.