PAPALAKI nang papalaki mga ‘igan ang kinakaharap na problema ngayon ng mga tiwaling pulis ng Philippine National Police (PNP). Kasabay pa nito’y ang paparami nang paparami pang kasong ibinabato sa kanila. Kung kaya’t, hayun at tambak na sa Napolcom ang nakabinbing kaso ng mga tiwaling pulis, sus ginoo! Sadya nga bang ganito na katarantado ang pulisya ng bayan?
Ayon kay Ka Digong mga ‘igan, humigit-kumulang sa apatnapung porsiyento (40%) ng mga pulis ng PNP ay sangkot sa kriminalidad. Aba’y teka, kasali na ba rito ang mga kaso pang isasampa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan? Paano na ang mga kaso pang isasampa, tulad ng Ombudsman, ng People’s Law Enforcement Board? Sus, manginig na kayo’t dumating na ang tamang panahon!
Sa pagdagsa ng mga kaso laban sa mga tiwaling parak, siya namang bagal ng pag-usad nito. Ano’t usad-pagong ang mga kaso, bagama’t ang ila’y may mga ebidensiya na? Ano’t pinananatili pang nasa serbisyo ang ilan sa kanila? Hindi tamang ibalik pa sa serbisyo ang mga tiwaling parak! At lalong hindi tamang ipatapon o dalhin sa Basilan at kung saan-saan ang mga salarin. Ang dapat sa mga tarantado at tiwaling pulis ay nasa loob ng rehas na bakal nang hindi pamarisan pa at pagdusahan ang mga krimeng ginawa. Kinakailangang panagutan ang kanilang kabalbalan.
KAMPANYA LABAN
SA ILEGAL NA DROGA… MADUGO?
Marami na mga ‘igan ang bumabatikos sa kampanyang isinasagawa ni Ka Digong laban sa ilegal na droga sa bansa. Anila’y hindi raw solusyon ang pagpatay o pagkulong sa mga sangkot sa ilegal na droga. Bigyang-diin umano ang pagpapahalaga at respeto sa karapatang-pantao. Ano nga ba ang tamang pamamaraan o proseso na dapat gawin upang matuldukan na ang lumalalang ilegal na droga sa bansa?
Sa totoo lang mga ‘igan, maraming bansa na rin ang sumubok ng madudugong kampanya laban sa ilegal na droga sa kani-kanilang bansa. Ngunit ang tanong, nagtagumpay ba? Nasugpo ba ang lumalalang problema sa ilegal na droga sa kanilang bansa?
Sa ating bansa kaya, epektibo ba ang pamamaraang ginagamit sa pagsugpo ng ilegal na droga?
Minsan nang pinuna ng mga pari at Obispo ang kampanya ni Ka Digong laban sa ilegal na droga. ‘Ika nga ni Archbishop Socrates Villegas… “Iyon ang pakiusap ko, na sana, kung magko-correct tayo, bibigyan natin ang bawat isa ng pag-asa, hindi iyong sugatan na, marumi na, sisipain pa natin.”
Pero teka mga ‘igan, may pag-asa pa bang magbago ang mga sangkot sa ilegal na droga? Kailan pa?
MANDARAMBONG LIGTAS
SA DEATH PENALTY
“Corruption must stop now,” ito mga ‘igan ang madalas sambitin ni Ka Digong sa kanyang pakikipanayam. Ngunit, ang hindi pakikialam ni Ka Digong sa naging desisyon ng Kongreso na huwag nang isama ang kasong “plunder” sa death penalty ay isang malaking katanungan sa madla.
Mantakin n’yo nga naman mga ‘igan, ipinahihinto ang pangungurakot, pero aprubado namang alisin ang plunder sa death penalty. Anong ibig sabihin nito mga ‘igan? Hahayaan na lang ba nating tuloy-tuloy ang pangungurakot na ginagawa o gagawin uli ng mga kongresista, partikular sa kani-kanilang pork barrel?
Sa totoo lang, maraming politiko ang yumaman dahil sa pangungurakot ng pera ng bayan. Bakit hindi ipasama ang mga plunder cases sa death penalty? Hindi ba dapat na ang mga mandarambong-buwayang-politiko ang dapat na bitayin? Hindi dapat palagpasin ang mga animal na plunderer, bagkus bitayin nang patiwarik!
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI – ni Johnny Balani