MAHIGIT 5,000 pamilya ang nawalan ng tirahan, makaraan ang halos pitong oras na sunog, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Ayon kay Malabon Public Information Office head Bong Padua, bunsod nang lawak ng sunog, nagdeklara ng “state of calamity” sa Brgy. Catmon at Brgy. Tonsuya.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR) Regional Director, Senior Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, nagsimula ang apoy sa bahay ng isang nagngangalang Jun-Jun sa Block 21, Lot 7, Dulong Hernandez St., People’s Village, Brgy. Catmon, dakong 5:36 pm.
Mabilis itong kumalat sa katabing kabahayan, pawang gawa sa light materials, kaya umakyat sa Task Force Bravo, bago naapula dakong 12:50 am kahapon.
Walang iniulat na namatay o nasaktan sa insidente, ngunit aabot sa P2 milyon halaga ng mga ari-arian ang natupok, ayon kina arson investigators SFO4 Albino Torres, at FO2 Antony Erick Ariate.
(ROMMEL SALES)