ZAMBOANGA CITY – Patay ang limang kasapi ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG), habang isa ang naaresto sa operasyon ng militar sa Sitio Talok Talok, sa munisipyo ng Capual, sa lalawigan ng Sulu kahapon.
Inihayag ni Maj. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), ang mga napatay at naaresto sa operasyon ng mga sundalo ng Joint Task Force Sulu, ay mga tauhan ni Abu Sayyaf sub-leader Alhabsy Misaya.
Ayon kay Galvez, si Misaya ay nakabase sa munisipyo ng Indanan, may humigit kumulang 40 tagasunod at humahawak din ng natitirang kidnap victims.
Sa isinagawang clearing operation ng mga sundalo sa lugar ng sagupaan, nakuha ang limang bangkay ng napatay na mga terorista.
Nasa walong high-powered firearms ang narekober ng militar, kabilang ang apat M16 at apat M14 rifle at iba pang mga kagamitan ng mga bandido.
Dakong 8:00 am nang makasagupa ng Marine Special Operations Group (MARSOG) ang mga bandido, na umabot sa 20 minuto.
Walang napaulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo, ngayon ay patuloy ang pagtugis sa tumakas na mga bandido.