INILINAW ng Malacañang, hindi ipadarakip muli ang pinakawalan nang mga lider ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA).
Ito ay ayon kay Communications Assistant Secretary Ana Maria Paz Banaag, sa kabila nang kautusan na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi, na ipadakip sa mga awtoridad ang mga lider ng komunistang grupo.
Sinabi ni Banaag, hindi hahantong sa ganoon ang situwasyon, at walang kautusan inilabas sa military para maglunsad ng nasabing opensiba laban sa CPP-NPA.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi, kanya nang sinuspinde ang peace talks ng pamahalaan, at komunistang grupo.
Kaugnay nito, hinimok niya ang government peace panel at mga lider ng komunista na umuwi sa bansa.
Ang deklarasyon ito ng Pangulo ay kasunod sa desisyon ng CPP-NPA na itigil ang unilateral ceasefire noong nakaraang linggo, dahil tumanggi ang punong ehekutibo na pakawalan ang mahigit 400 political prisoners.