HINAMON ng whistleblower na si Sandra Cam, si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, tutukan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang prison guard, na nagsiwalat sa mga ilegal na kalakaran sa loob ng New Bilibid Prison noong 2012.
Nitong Sabado ng umaga, binaril hanggang mapatay ng dalawang hindi nakikilalang suspek, ang prison guard na si Kabungsuan Makilala, sa loob ng isang bus sa Carmen, Davao del Norte.
Giit ni Cam, kombinsido siyang walang ibang motibo sa pagpaslang kay Makilala, kundi ang pagbubunyag sa anomalya sa allowance ng mga preso sa NBP.
Panahon aniya ni Senator Leila De Lima, bilang justice secretary, nang ipasok si Makilala sa Witness Protection Program, ngunit kalaunan ay inalis sa programa at inilipat sa Davao Prison and Penal Farm.
Naniniwala si Cam, lumala ang banta sa buhay ni Makilala dahil sa pagkakadestino sa Davao.
Aniya, dapat himayin ni Aguirre at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkamatay ni Makilala dahil masamang senyales ito sa kawalan ng proteksiyon sa mga whistleblower.