KAPWA isinailalim sa heightened alert status ang mga puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP), kasunod nang pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unilateral ceasefire, at ang pagkansela sa government peace talks sa NDF.
Mahigpit na pinatututukan nina AFP chief of staff, General Eduardo Año, at PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa sa mga sundalo at pulis ang mga lugar na balwarte ng rebeldeng grupo.
Ito ay dahil hindi malayong maglunsad ng mga pag-atake ang rebeldeng NPA, lalo sa mga kampo ng militar at PNP.
Ayon kay Año, kanya nang inalerto ang mga tropa sa ground, at mayroon na silang ipinatutupad na contingency plan ukol dito.
Sinabi ni Año, sa ngayon nasa higit 3,700 sa kabuuan ang NPA rebels sa buong bansa, at kalahati rito ay nag-o-operate sa bahagi ng Eastern Mindanao.
Sa kabilang dako, sa panig ng NP chief, kanyang iniutos ang pagpapalakas ng seguridad sa mga himpilan ng pulisya, lalo sa malalayong lugar para maiwasan ang posibleng pagsalakay ng rebeldeng NPA.
NCRPO FULL ALERT
SA METRO MANILA
KINOMPIRMA ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Oscar Albayalde, isinailalim sa “high security threat” ang kalakhang Maynila.
Ito’y kasunod sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa ipinatupad na unilateral ceasefire sa komunistang grupo.
Ayon kay Albayalde, mataas ang threat alert sa Metro Manila, kung kaya kailangan nilang itaas ang alert status.
“We are in full alert status. The Threat alert in Metro Manila is still high,” wika ni Albayalde.
Hindi binabalewala ng NCRPO ang posibilidad, na maglunsad ng pananabotahe sa Metro Manila ang mga rebelde at bandidong grupo.
Sinabi ng heneral, mas mainam maging handa sila para maiwasan ang ano mang mga banta ng kaguluhan.
BOMB THREAT
SA MALLS HOAX
– PNP
TINIYAK ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), walang dapat ipag-alala ang publiko, kaugnay sa kumakalat na bomb threat, lalo na sa malls.
Ayon kay NCRPO chief, Director Oscar Albayalde, walang ebidensiya o impormasyon silang nakukuha, kaugnay sa nilalaman ng isang dokumento, kumakalat ngayon sa social networking sites, nagsasabing nagbabanta ang bandidong Abu Sayyaf na magpasabog sa malls.
Umapela ang PNP sa netizens, na tigilan ang pagpapakalat ng nasabing dokumento.
Sinabi ni Albayalde, bagama’t wala pang kompirmasyon kung totoo ang kumakalat na bomb threat, tini-yak niyang hindi nila binabalewala ang mga ganoong report.
Aniya, lalo pang pinalakas ng NCRPO ang kanilang target hardening measures, hanggang sa mga presinto ng pulisya.